SAGOT NG IGLESIA NI CRISTO SA II PEDRO 1:1



II PEDRO 1:1
Tinawag nga ba ni Pedro si Cristo na
Diyos sa II Pedro 1:1?




Pinipilit ng mga naniniwalang si Cristo ay Diyos na palabasing itinuro ng mga apostol na si Cristo ay Diyos. Ang II Pedro 1:1 ay ginagamit nila para palabasin na tinawag ni Apostol Pedro si Cristo na Diyos. Ganito ang sinasabi ng talata:

“Si Simon Pedro, na alipin at apostol ni Jesucristo, sa nagsipagkamit na kasama namin ng mahalagang pananampalataya sa katuwiran ng ating Dios at Tagapagligtas na si Jesucristo.” (II Pedro 1:1)



Ang mga Suliranin kung Tatatanggapin na Tinawag ni
Apostol Pedro si Cristo na Diyos

Bakit hindi maaaring tawagin ni Apostol Pedro si Cristo na Diyos sa II Pedro 1:1?


(1) SAPAGKAT ANG TINUTUKOY NI APOSTOL PEDRO NA DIYOS AY ANG AMA NG ATING PANGINOONG JESUSCRISTO:

“Purihin nawa ang Dios at Ama ng ating Panginoong Jesucristo, na ayon sa kaniyang malaking awa ay ipinanganak na muli tayo sa isang buhay na pagasa sa pamamagitan ng pagkabuhay na maguli ni Jesucristo sa mga patay.” (I Pedro 1:3)

Pansinin na magkakaroon ng malaking suliranin kung tatanggapin na tinawag ni Apostol Pedro si Cristo na Diyos, samantalang sinabi rin niya na ang Diyos ay ang Ama ni Cristo: KUNG TINAWAG NI APOSTOL PEDRO SI CRISTO NA DIYOS, SAMANTALANG SINABI NIYA NA ANG DIYOS AY ANG AMA NI CRISTO, LALABAS NA ANG DIYOS NA SI CRISTO AY ANG AMA NI CRISTO RIN. MAGIGING DALAWA ANG CRISTO.


(2) IPINAKILALA NI APOSTOL PEDRO SI CRISTO NA “ANAK NG DIYOS NA BUHAY”:

“At sumagot si Simon Pedro at sinabi, Ikaw ang Cristo, Ang anak ng Dios na buhay.” (Mateo 16:16)

Pansinin pa ang magiging suliranin kung tatanggapin natin na si Cristo ay tinawag ni Pedro na Diyos, samantlang sinabi ni Pedro na si Cristo ay ang “Anak ng Diyos na buhay”: KUNG TINAWAG NI PEDRO SI CRISTO NA DIYOS AT TINAWAG DIN NIYA SI CRISTO NA “ANAK NG DIYOS NA BUHAY,” LALABAS NA ANG DIYOS (NA SI CRISTO RAW) AY ANG “ANAK NG DIYOS NA BUHAY.” MAGIGING DALAWA ANG DIYOS.


(3) IPINAKILALA NI APOSTOL PEDRO SI CRISTO NA “SINUGO NG DIYOS”; “BINUHAY NA MAG-ULI NG DIYOS”; AT ANG “TAONG IBINIGAY AYON SA PASIYA AT PAGKAALAM NG DIYOS”:

“Mga Israelita, pakinggan ninyo ito!  Si Jesus na taga-Nazaret ay sinugo ng Diyos.  Pinatutunayan ito ng mga himala, mga kababalaghan, at mga tandang ginawa ng Diyos sa pamamagitan niya.  Alam ninyo ito sapagkat lahat ay naganap sa gitna ninyo. Ngunit ang taong ito na ibinigay sa inyo ayon sa pasiya at pagkaalam ng Diyos sa mula't mula pa, ay ipinapako ninyo at ipinapatay sa mga makasalanan. Subalit siya'y muling binuhay ng Diyos at pinalaya sa kapangyarihan ng kamatayan.  Hindi ito maaaring mamayani sa kanya.” (Gawa 2:22-24 MB)

(a) Sinabi mismo ni Apostol Pedro na si Cristo ay “sinugo ng Diyos” – KUNG TINAWAG NI APOSTOL PEDRO SI CRISTO NA DIYOS, LALABAS NA ANG DIYOS (NA SI CRISTO DAW) AY ISINUGO NG DIYOS. Samantalang si Cristo mismo ang nagpatotoo na ang nagsugo ay higit na dakila kaysa sa isinugo:

“Sinasabi ko sa inyo ang katotohanan, walang aliping dakila kaysa kanyang panginoon; ang sinugo ay hindi dakila kaysa nagsugo sa kanya.” (Juan 13:16 NPV)

(b) Sinabi rin ni Apostol Pedro na si Cristo ay “binuhay na mag-uli ng Diyos” – KUNG TINAWAG NI APOSTOL PEDRO SI CRISTO NA DIYOS AY LALABAS NA ANG DIYOS (NA SI CRISTO DAW) AY BINUHAY NA MAG-ULI NG DIYOS. Ang pagkabuhay na mag-uli ay nagpapatunay na namatay, samantalang maliwanag sa Biblia na ang Diyos ay walang kamatayan:

“Ngayon sa Haring walang hanggan, WALANG KAMATAYAN, DI NAKIKITA, SA IISANG DIOS, ay ang kapurihan at kaluwalhatian magpakailan kailan man.  Siya nawa.” (I Timoteo 1:17, amin ang pagbibigay-diin )

(c) Ipinahayag pa ni Apostol Pedro na si Cristo ay “ang taong ibinigay ayon sa pasiya at pagkaalam ng Diyos” – KUNG TINAWAG NI APOSTOL PEDRO SI CRISTO NA DIYOS, LALABAS NA ANG DIYOS NA SI CRISTO AY ANG “TAONG IBINIGAY AYON SA PASIYA AT PAGKAALAM NG DIYOS.” Samantalang, ipinahayag mismo ng Diyos na Siya ay hindi tao”

“Hindi ko isasagawa ang kabangisan ng aking galit, hindi ako babalik upang ipahamak ang Ephraim: SAPAGKA'T AKO'Y DIOS, AT HINDI TAO; ang Banal sa gitna mo; at hindi ako paroroon na may galit.” (Oseas 11:9, amin ang pagbibigay-diin)

Ang totoo ay marami pang ipinahayag si Apotol Pedro na sasalungat sa pagsasabing tinawag niya si Cristo na Diyos. Subalit, sapat na ang mga nabanggit sa unahan upang ipakita na hindi maaaring tawagin ni Apostol Pedro si Cristo na Diyos.



Ang Tunay na Tintutukoy ni Apostol Pedro
sa II Pedro 1:1

Ang maaaring  itanong ng mga naniniwalang si Cristo ay Diyos ay “Kung hindi maaari na tawagin ni Apostol Pedro si Cristo na Diyos sa II Pedro 1:1 ay bakit maliwanag na nakasulat dito na sinabi ni Pedro na “sa katuwiran ng ating Dios at Tagapagligtas na si Cristo Jesus”? ANG TINUTUTUKOY NG BANGGIT NI APOSTOL PEDRO NA “ATING DIYOS” AT “TAGAPAGLIGTAS” AY HINDI IISA, KUNDI MAGKAIBA. Pinatutunayan ito ng kasunod lamang na talata:

“Biyaya at kapayapaan ang sa inyo'y dumami sa pagkakilala SA DIOS AT KAY JESUS NA PANGINOON natin.” (II Pedro 1:2, amin ang pagbibigay-diin)

Napansin ba ninyo ang kasunod lamang na talata ng II Pedro 1:1. Ang banggit sa talatang 2 ay “sa pagkakilala sa Dios at kay Jesus na Panginoon natin.” Dito ay malinaw na hindi tinawag ni Apostol Pedro na Diyos ang ating Panginoong Jesucristo, bagkus ay ipinakikitang magkabukod ang “Diyos” at ang Panginoong Jesus.

Kapansin-pansin na ang mga salin ng II Pedro 1:1 na bumabanggit na “our God and Saviour Jesus Christ” ay malinaw na isinasaad din sa talatang 2 na magkaiba ang Diyos at si Cristo. Pansinin ang mga sumusunod na halimbawa:

II Peter 1:1-2 NKJV
“Simon Peter, a bondservant and apostle of Jesus Christ, To those who have obtained like precious faith with us by the righteousness OF OUR GOD AND SAVIOR JESUS CHRIST: Grace and peace be multiplied to you in the knowledge OF GOD AND OF JESUS OUR LORD.” (emphasis mine)

II Peter 1:1-2 NIV:
“Simon Peter, a servant and apostle of Jesus Christ, To those who through the righteousness of OUR GOD AND SAVIOR JESUS CHRIST have received a faith as precious as ours: Grace and peace be yours in abundance through the knowledge OF GOD AND OF JESUS OUR LORD.” (emphasis mine)

KAYA, MAY MGA SALIN NG II PEDRO 1:1 NA MALINAW NA IPINAKIKITANG HINDI TINAWAG NI APOSTOL PEDRO SI CRISTO NA DIYOS AT BAGKUS AY MAGKABUKOD O MAGKAHIWALAY ANG KANIYANG TINUTUKOY O BINABANGGIT. Ito ang mga sumusunod:

Complete Jewish Bible

“From: Shim‘on Kefa, a slave and emissary of Yeshua the Messiah
“To: Those who, through the righteousness OF OUR GOD AND OF OUR DELIVERER YESHUA THE MESSIAH, have been given the same kind of trust as ours.” (emphasis mine)
    

King James Version

“Simon Peter, a servant and an apostle of Jesus Christ, to them that have obtained like precious faith with us through the righteousness OF GOD AND OUR SAVIOUR JESUS CHRIST.” (emphasis mine)

Samakatuwid, maling “rendering” ng talata ang nagsasabing “our God and Savior Jesus Christ” sapagkat magbubunga ng pagsalungat sa iba pang pahayag ni Apostol Pedro at ng marami pang mga suliranin. Ang tamang “rendering” ay “of God and our Saviour Jesus Christ” o “of our God and of our Saviour Jesus Christ.”


Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Iisa Lamang ang Tunay na Iglesia, ang Tunay na Relihiyon, ang Iglesia ni Cristo